May 15, 2024

Nagkaroon muli ng Kadiwa ng Pangulo sa Bauang Plaza kaninang 9:00 AM hanggang 12:00 PM. Tampok dito ang iba’t ibang kalidad na gulay, prutas, at iba pang basic goods na mas mura dahil karamihan sa mga ito ay tanim mismo ng mga nagtitinda. Wala ring upa ang kanilang pwesto sa Plaza ng Bauang dahil ito ay proyekto ng gobyerno.

Ito ang ika-walong Kadiwa sa bayan ng Bauang. Nagsimula ito noong katapusan ng Enero. Nagaganap ito bawat akinse (15th) at katapusan (30th) ng bawat buwan sa Bauang. Ito ay pinamamahalaan ni Municipal Agriculturist Officer-in-Charge (OIC) Dr. Alan I. Gamueda at Business One Stop Shop (BOSS) Administrator-Designate Marvilyn Savellano.

Ito ay sinimulan ng Department of Agriculture (DA) sa Taguig City noong September 13, 2019 sa pamumuno ni dating DA Secretary William D. Dar. May pangalan ito noong “Kadiwa ni Ani at Kita.” Ito ay unti-unting inilunsad sa iba’t ibang probinsya ng Pilipinas. Taong 2022 nang pinaigting ni Pangulong Ferdinand E. Marcos, Jr. ang pagpapalaganap nito at binansagan ang programa bilang “Kadiwa ng Pasko” at ngayon ay “Kadiwa ng Pangulo.”

Kanina, nakapanayam natin ang tatlong tindera sa Kadiwa. Sila ay sina Medina Florenda, taga-Central East, Lucretia Estioco, taga-Lower San Agustin, at Anna Tangalan, taga-Lower San Agustin.

Pang-anim na umanong Kadiwa ito ni Aling Medina. Samantalang una ito nila Aling Lucretia at Aling Anna. Anila, ang kanilang mga benta ay tanim pa umano nila. Ang maliit naman na porsyento nito ay kanilang nabili.

Si Aling Medina, edad 73, ay mag-isa na lamang sa buhay. Nag-asawa na umano ang kanyang apat na anak at nasa malalayong lugar. Si Aling Lucretia naman ay may kasamang apo para makatulong sa kanyang pagbenta. Si Aling Anna, edad 53, ay nagbebenta ng manggang mula rin sa kanyang Barangay na Lower San Agustin, sa Sitio Guindangan.

Abangan ang susunod na Kadiwa ng Pangulo sa Bauang sa katapusan ng buwan ng Mayo!

Kung nais mong sumali sa Kadiwa ng Pangulo, maaaring magpunta sa Munisipyo ng Bauang o tawagan ang aming opisina sa numerong (072) 607 2911. Maaari ring magmensahe sa aming Facebook Page na Municipality of Bauang, La Union.

Source:

Kadiwa ni Ani at Kita:

https://www.da.gov.ph/kadiwa-ni-ani-at-kita-project-launched/

Kadiwa ng Pasko at Kadiwa ng Pangulo:

https://pco.gov.ph/news_releases/pbbm-to-lead-nationwide-launch-of-kadiwa-ng-pasko-project