Bauang, La Union, May 27, 2024 – Bilang tugon sa kasalukuyang matinding init ng panahon, ang Bauang Water Refilling Association, sa pangunguna ni Jare Estolas, at sa tulong ng Munisipyo ng Bauang na pinangungunahan ni Mayor Eulogio Clarence Martin P. De Guzman III, ay nag-organisa ng isang programa upang magbigay ng libreng inuming tubig sa mga residente ng Bauang. Ang desisyon na ito ay bunga ng isang pagpupulong kasama ang mga pinuno ng munisipyo at mga myembro ng nasabing asosasyon upang matugunan ang epekto ng matinding init na nararanasan sa lugar.

Nagtalaga sila ng mga lokasyon para sa pamamahagi ng libreng inuming tubig. Kabilang sa mga lokasyong ito na maaaring mapagkunan ng libreng inuming tubig ay

  1. ang entrada ng Bauang Public Market, katabi ng Henhaw at Cindy’s Bakeshop,
  2. at sa harap ng Landbank, malapit sa waiting shed papuntang Naguilian.

Ang inisyatibang ito ay naglalayong masiguro na manatiling hydrated at malusog ang mga residente sa panahon ng matinding init. Binigyang-diin ni Mayor De Guzman ang dedikasyon ng munisipalidad sa kapakanan ng mga mamamayan, at hinikayat ang lahat na gamitin ang mga serbisyong ito at manatiling ligtas sa ilalim ng matinding init ng panahon.

Cris Balbuena